Wednesday, August 13, 2008

nang magsawa ako.

cafeteria. maingay. sobrang ingay. kahit na hindi kami mag-usap, naririnig ko pa rin ang ingay. hindi man ako kumibo, maingay pa rin. kahit na wala nang iba pang tao sa loob ng cafeteriang ito ang magsasalita, maingay pa rin talaga. hindi maipagkakaila ang ingay ng kalooban ko tungo sa kanya. pero di bale, dahil maingay naman talaga sa caf, isigaw ko man sa kanya, ilabas ko man ang ingay na nandito lamang, hindi naman niya maririnig. o marahil dahil bingi siya. bingi talaga. o mistulang tengang kawaling ayaw makinig. ewan ko. marahil pareho. grabe, sukdulan naman. pero ganon eh. hindi na lamang ako magsasalita at patuloy akong mag-iingay.

--------------

wow, nagpost akong muli. nagbalik ako. matapos ang mahaba-habang pagkawala sa kaalaman ng mga tao, naririto akong muli. bakit ako nawala? siguro dahil nagsawa ako. nagsawa akong magsulat dahil wala namang bumabasa. nagsawa akong magsalita dahil wala namang nakikinig. nagsawa akong magparamdam dahil wala namang nakakaramdam. nagsawa akong mangatwiran dahil wala namang may pakialam. nagsawa ako. sawang-sawa na.

pero magtataka ka, narito pa rin ako? bumalik nga ako, hindi ba? siguro dahil kahit sawa ka na, kapag napag-isip-isipan mo, kapag matagal nang nawala sa iyo, babalikan mo rin 'di ba? kaya nga tayo mayroong sinasabing 'namimiss' mo. oo aaminin ko, namiss ko. namiss ko ito. namiss ko sila. namiss ko siya. marami akong namiss. siguro nagkaroon lamang ako ng dahilan para magsulat ulit. tanggap ko na ulit ang mga dahilang ikinasawa ko. magsasawa rin ako ulit. siguro. most likely talaga. pero ang mahalaga marahil ay ang ngayon. gusto kong magsulat eh, bakit ba? tsaka na ulit ako magsasawa.

o baka dahil umaasa ako. marahil baka naiisip ko na may pag-asa pang may magbabasa nito, may makaririnig, may makararamdam.

parang buhay lang yan eh, nakakasawa, oo.. pero buhay ka pa rin, narito ka pa rin. umaasa ka pa rin. kaya sige lang. go ka lang ng go. tuloy lang. laban ka lng ng laban.

minsan dumating ako sa point na nagsawa akong mabuhay. pero ngayon, tinatanong ko ang sarili ko, nabuhay nga ba ako? buhay nga ba ang kinasawaan ko? napakasaklap kasi ng mundo. mashadong maraming sama ng loob, mashadong maraming disappointments, mashadong maraming kalabuan. mashado ring maraming tanong. minsan tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka nabubuhay sa isang mundong kagaya nito. tatanungin mo kung bakit may mga taong malabo, may mga taong masama, may mga taong insensitive, may mga taong walang kuwenta, may mga taong mashadong mabait. pero kung iisipin kong talaga, ayon sa paningin ko, ganoon sila, ganito sila. pero sa katotohanan ba, sino nga ba talaga ang nagsasabi kung sino ang mabait, kung sino ang masama, kung sino ang ganito.. kung sino ang ganyan.

---------

bakit ba naman kasi kinakailangang mabuhay ka sa isang mundong binibigyang kahulugan ang lahat? hindi ba puwedeng gawin mo nalang ng gawin ang mga bagay bagay nang hindi iniisip kung bakit mo iyon ginagawa? hindi ba puwedeng wala nalang pagsisisi? sige, sabi nila, nasasayo lang naman kung bibigyan mo ng kahulugan o hindi, nasasayo lang rin daw kung magsisisi ka o hindi.. pero, sa palagay ko kasi, hindi lang siya ganon. hindi siya nasasayo lang. hindi siya choice. likas siya sa tao. o baka mali ako?.

---------

napakakomplikado ng mundong ito. ang hirap makipagsapalaran sa buhay lalo pa't alam mong wala talagang kahit anong sigurado. lahat nagbabago, lahat mapanlinlang, lahat mapanloko. sabi nila, maniwala lang daw ako, ok na, mabubuhay ako. pero mahirap maniwala. mahirap paniwalaan ang mga bagay na hindi naman talaga kapanipaniwala.

----------

so ano namang katapusan nitong sinusulat kong ito? sa palagay ko, hindi pa siya matatapos. magsusulat lang muna ako ng magsusulat. hanggang sa hindi natatapos ang mga katanungan ko, magsusulat lang ako. hanggang sa hindi ko matanggap ang katotohan ng mundo, magsusulat lang ako. magsusulat ako, hanggang sa magsawa na ulit ako.

No comments: