sa nakaraang dalawang linggo (o halos malaking parte siguro ng sem na ito), wala akong mashadong ginawa kundi sumimangot. (actually, marami akong ginawa, dami ng requirements, pero sa bawat pagkakataong gagawin ko ang mga bagay-bagay, parating may halong simangot...). hai. sino ba naman ang hindi sisimangot, sa dami ng mga nangyari sa akin nung nakaraang mga linggong iyon, sino ba naman ang hindi mapapasimangot:
-nasunog yung cafeteria sa veterans, at nandun ang aming goldilocks stall. lunes na lunes ng umaga noong nakaraang dalawang linggo, iyon ang bumulagta sa akin.
-nagpacheck-up ako sa isang physician/surgeon sa veterans. at dinaignose na may cancer daw ako sa breast. kinakailangan ko raw maoperahan (biopsy) at isesedate daw ako para malaman kung benign or malignant, kung benign tuberculosis of the breast daw ang abnormality, kapag malignant, patay na. tuesday last last week ko nalaman. at ang operation ko, saturday that week din. tapos, within the whole week nagkaroon ako ng mga lab tests para malaman kung pupuwede raw akong masedate. kumusta naman ang shock ko nung nalaman ko iyon. sabi nga nung isa kong nakausap ---- "ok ka lang? hindi ba dapat hindi, malaman mo ba namang may tumor ka eh.". ok, that was a very blunt way to put it. pero yun naman talaga eh. sabi ko na nga lang sa sarili ko nung mga panahong iyon-- "asus, cancer lang yan!". at nakikipaglokohan lang ako sa sarili ko nung mga panahong iyon.
-tuloy pa rin ang santambak na requirements. magfifinals week na kasi. may sakit ka na nga, depressed ka na nga, malay mo bang mamamatay ka na, siyempre kailangan mo pa ring isipin yung pag-aaral mo. hindi naman titigil ang mundo, hindi titigil ang mga teacher ko sa pagbibigay ng mga homeworks, seatworks at tests dahil lang malas ako at nagkakaganon ang buhay ko. naisip ko nga, ganito ka-sama ang mundo. sa katotohanan naman, wala namang time-out, kahit gusto mo. walang awa-awa. iikot lamang ng iikot ang mundo.
-inoperahan ako noong sabado. at inoperahan ako ng gising. pakiramdam ko noon, para akong hayop. kumbaga sa philo, "objectified" ako. trauma.iyon na lamang siguro ang masasabi ko.
-isang buong linggo akong wala sa dorm namin. ang ibig sabihin nito, isang linggo akong nag-uwian sa laguna. nakakapagod. araw-araw kang gabi umuuwi, galing sa biyahe. taposa pagdating mo sa bahay, hindi ka naman pupuwedeng matulog agad, dahil may requirements ka sa susunod na araw. at sa susunod na araw, gigising ka nang sobrang aga dahil kailangan mong makarating sa school para sa 7:30 am class mo. ang dahilan kung bakit ako nag-uuwian ay dahil sa medication ko. after-operation recovering kumbaga. at bukod pa riyan, namiss ko ang mga dormmates. mashado kasi na akong na-attach sa mga taong ito. sobrang unfamiliar nung feeling ko na hindi ko sila kasama pag-uwi, at ang masasabi ko lang, ang laki ng nagagawa ng isang linggo. pakiramdam ko, ang layo ko.
-hindi ko makain ang mga gusto kong makain. maraming bawal. puro gulay. gulay. gulay. gulay...
-sa pangakabuuan, hindi ko mapigilang maawa sa sarili ko. sobrang na-overwhelm ako sa mga nangyari sa akin. biglang nagbago ang lifestyle ko. pakiramdam ko noon, nag-iisa akong hinaharap ang mga nangyayari sa akin. ang nasa isip ko noon, sa katotohanan naman, ako lang naman talaga ang talagang nakakaintindi at nakakaalam kung gaano kasakit at kahirap ang sitwasyon ko. pakiramdam ko tuloy, wala akong makausap noon. pakiramdam ko noon, nag-iisa ako.
....
pero ngayong napag-isip-isip ko, sinayang ko ang dalawang linggo ng buhay ko. pinagod ko lang ang sarili ko. oo, totoo ang lahat ng mga nabanggit ko, pero kung tutuusin, nasasaakin naman talaga kung magpapaapekto ako. once in a while, mapapaiyak ka nalang talaga kasi mahirap nga naman ang sitwasyon mo. pero, puwede ka namang umahon mula dun sa pinagswiswimmingan mong kalungkutan bago ka pa malunod. puwede ko namang tingnan ang mga nangyayari sa akin sa ibang perspective. mashado kong iniisip na hiwalay ako sa tao dahil hindi nga naman nila ako naiintindihan, well in fact, may mga tao naman talagang umiintindi. sabi nga ng kaibigan ko, 'parating may makakausap', sabi ko sa kanya, 'pero hindi parating may makikinig', isang palatandaan kung gaano ako ka-malungkutin at negatibong tao. ang mali ko siguro, hindi ako kumausap para malaman kung may makikinig...
napag-isip-isip ko lang, ang dami-dami-dami-dami kong dapat ipagpasalamat. at ang sama-sama-sama-sama kong tao para hindi mabigyang halaga ang mga bagay at mga taong iyon. dapat nagpapasalamat ako dahil benign ang cancer na nakita sa akin. dapat nagpapasalamat ako dahil nanalo ang ateneo sa uaap basketball. dapat magpasalamat ako dahil may pamilya akong nariyan na sumusuporta at nagaalaga sa akin. dapat magpasalamat ako dahil nariyan ang mga kaibigan kong walang sawang nagpapatawa sa akin at nagpapakita ng mga kababawan at kasiyahan ng buhay. dapat magpasalamat ako sa mga dorm mates ko at ang "the gang" na nariyan lang para yakapin ako kahit na wala naman akong sinasabing dahilan kung bakit ako nagpapayakap. dapat magpasalamat ako sa mga orgmates ko (sa gabay, sa aches, at sa yfc) na walang sawang bumabati sa akin kapag nagkikita kami sa mga hallways kahit na nakasimangot ako at hindi ako kasing masiyahin di tulad ng mga bati nila sa akin. dapat akong magpasalamat sa mga judo teammates ko dati na nagmamalasakit na kumustahin ako at yayain ako sa kanilang send-off dinner na hindi ko man lang napuntahan dahil sa operasyon ko. dapat akong magpasalamat sa mga teacher ko, dahil binibigyan nila akong ng pagkakataong matututo at naglalaaan sila ng oras para ibahagi ang mga kaalaman nila, at nagtiyatiyaga sila sa aking mga kalokohan at kapasawayan bilang isang etudyante. dapat akong magpasalamat sa Kanya dahil kung hindi dahil sa Kanya, wala ako sa mundong ito at hindi ko mapapasalamatan at mararanasan ang mga bagay na dapat kong ipagpasalamat.
SALAMAT PO.
ngayon ko nararamdaman na sobrang blessed akong tao.
kapag binabalikan ko at binasabasa kong muli ang mga blogposts ko, puro nalang lungkot, puro nalang sama ng loob. hindi masamang ipahayag ang sama ng loob, ang sakit na nararanasan mo sa buhay. sabi nga nila, iyong mga panahong iyon, higit na marami kang nasasabi at naisusulat sa blog mo. pero ang blog kasi, parang isang paraan para makita mo ang buhay mo. eh, hindi lang naman lungkot ang laman ng buhay ko. siguro, dapat simulan ko namang makita ang mga masasayang bagay na ito, at hayaan rin makita ng ibang tao.
No comments:
Post a Comment